........................................
Saturday, March 10, 2007
Isang Umaga Pagmulat ng Mata
Hayy, ano nga ba ang isusulat ko sa umagang ito? Gawa na ang kape, wala namang donut. Donut??!!!! Wala bang pandesal na dineliber ni Ti Kikay kaninang madaling araw, masarap, mainit-init na tamang tama sa kasilyo na dinayo ng Nanay Ision kanina sa talipapa. Ang kasilyo, kesong puti sa hindi tulad nating ka-Sulok ay kesong Tagalog na gawa sa sariwang gatas ng kalabaw na hindi ko alam kung paano nabuo - mabibili mong nakabalot sa dahong saging. Ang iba'y kukutsarahin pero mas madalas ay ipapahid mo ang pandesal mo sabay kurot sa malambot na keso. Kung wala namang kasilyo, meron namang mitlop (Philip's meat loaf) na pinautang ng Nanay kay Macoy sa tindahan.
Ang kape ay mainit galing sa er-pat (airpot) pagkatapos i-banto sa baso ng kapeng Blend 45 o pag sine-swerte may dala ang Nanay Ision na Magnolia chocolait. Ang Tatay, mas gusto ang pandesal na "saw-pe" (pandesal na isinawsaw sa kape) habang nagbabasa ng Taliba. Pinakamasarap na sahog ang kwento at honta hanggang abutin ka ng anong oras at kailangan nang pumunta kay Itang para magpabili ng ulam.
Sarap mag-reminisce (at di nga ba ito ang layunin ng "sulokreminiscing.blogspot" na ito) ng agahan ng nakaraan. Sa ngayon, magtitiis muna tayo sa pandesal na malamig at kapeng pasalubong na pinabili kay Lex sa Silang......hayyyy!
(PS. Pagkatapos kong sulatin ito, hindi ko pa rin maisip ang topic na isusulat ko.)